Isang Dalumat
ng Panahon

Ang Isang Dalumat ng Panahon (Ateneo de Manila UP, 2022) ay isang tangka sa diskursong teoretiko hinggil sa rendisyon ng temporalidad na maituturing na “Filipino.” Bilang pangunahing kaabalahan nito, bumabaling ang pag-aaral sa panitikan, sa pamamagitan ng mga kritikal na pagbasa sa iba’t ibang teksto tulad ng mga talang pandiksiyonaryo, umiiral na mga panitikan sa larang ng araling Filipino, at mga tula. Mula sa mga ito, umuusbong ang pagpapahalaga sa panahon bilang dalumat ng pagkakataon para sa mga bagay upang maging panibago at anupaman. Higit na pinalalawig ang ganitong pagtataya sa pagsasaalang-alang sa iba pang mga kakawing na kaisipan, tulad ng alamat at kasaganaan; materyalidad ng mga bagay; tropo at tropikalidad; kontemporaneidad at kasaysayan; at pag-ibig at talinghaga. Sa gayon, sa halip ng isang diakronikong pagsasakasaysayan sa mga naging pag-unawa sa dalumat ng panahong Filipino, tinatangka ng pag-aaral na maisanay ang isang mungkahi, kung hindi man bagong, wika upang mapangusapan ang panahon, sampu na rin ng partikular na paggana nito sa mundong Filipino.Basahin ang sipi mula sa aklat.


Mga Pagpapahalaga

Bilang pundasyonal na kategorya ng anumang kritikal at pampanitikang pag-aaral, isang mahalagang sanggunian ang ginagawa ditong pag-aaral ni Benitez sa kategorya ng panahon. May pambihirang sinsin, tiyaga, at pagyakap dito sa pananaw-sa-mundong Filipino nang nakaugat sa katutubo at mitolohiko. Nandito rin ang pag-asa na may mga dalumat na mananatiling maaasahan at mapagkakatiwalaan sa gitna ng kabuwayan ngayon ng mga kaisipan at sistema ng pag-iisip.
Alvin Yapan, may-akda ng Sangkatauhan, Sangkahayupan
Ang Isang Dalumat ng Panahon ay masinsing diskursong teoretiko sa panahon gamit ang panitikan, kung paano nararanasan ang pagdaloy ng panahon sa realidad ng pagbabasa o pakikinig, sa teksto mismo, at sa mismong wika kaya nilalampasan nito ang simpleng pagsasalin o panghihiram lamang sa araling penomenolohiko ng temporalidad. Bagaman malay si Christian Benitez dito at iginulgol din niya ang pagtukoy at pag-unawa sa mga araling ito, inihahain naman niya dito ang isang malinaw na ambag: kung paano matutukoy at maisasagawa ang ganitong pag-aaral sa ekolohiyang Filipino at materyalidad nito gaya ng sa diksiyonaryo, relo, at radyo. Sa dakong huli, nabubuksan ang panimulang pagsusuring politikal gaya sa pag-aaral ng rehimeng Duterte at kung paano niya nahahaltak o nananakawan tayo ng mga oras sa gitna ng pandemya. Susi ito sa palagay ko sa pag-unawa kung paano nga rin ba tayo tila “lumulutang” o “nahablot” sa panahon ng pagbabalik ng mga Marcos.
Gary Devilles, may-akda ng Sensing Manila
May pagturing ang may-akda sa kanyang dalumat ng panahon bilang “isang mahabang pangungusap” (o serye ng mga pangungusap na may nagsasanga-sangang tuon). Ang pagtalunton ng konsepto at kategorya ng panahon sa sariling wika, ayon sa kanya, ay “kung tutuosin, sa isang paraan, bilang isa ring wika.” Sa maka-wikang lapat ng aklat na ito mahihinuha ang natatanging ambag ni Benitez sa ating kaalamang-bayan: ang kanyang malikhaing paraan at pamamaraan ng panunuri. Una, ang lapit-ekolohiko ng kanyang dalumat ay mamamalas sa nibel ng pagsasa-wika mismo. Ekolohiko ang tingin sa syntagma at syntaks/sinekdokiya (mga banghay at pag-uugnay-ugnay ng mga salitang may kinalaman sa panahon), sa paradigma at metonomiya (mga bahagi at pagbaling sa mga bahaging-panghalip ng kategoryang sinusuri). Ikalawa, may ‘sariling wika’ na nabubuo si Benitez sa aklat, katangi-tangi ang estilo ng diskurso, masasabing idiolektal: ang sinyal ng kaganapan ng isang tunay na teorista at kritiko!
Oscar Campomanes, Ateneo de Manila University
Isang kahanga-hangang piyesa ng orihinal na pag-iisip na Filipino ang Isang Dalumat ng Panahon ni Christian Jil Benitez. Masinop ang pagtugaygay ng teoriyang inihahain sa mga pahinang ito, dahil ang bawat kumpas ng panahong pinapaksa ay nailalakip sa materyalidad ng kasaysayan. Nasa abot ng libro ang sari-saring daluyan, mula sa mga talahuluganan tungo sa midya ng kasalukuyan at ang peryodisasyo’y itinatawid ang mga pakiramdam na kapwa kumakaripas sa panahon at napag-iiwanan sa kaloob-looban nito. Pinaka-bukod-tangi ang ambag ng matalik na pagbasa na nababanaag at naaanino ang anumang texto—poetiko, mitiko, dyornalistiko, teoretiko, historyografiko. Sa una, ang palagay na kahit ano sa wikang Filipino ay makapag-aalay ng durungawan sa temporalidad ng kapuluan ay kagila-gilalas, subalit ang landasin kung saan inilalahad ang pamaraan ng gayong pagturing ay nakapagdudulot ng katiyakan sa huli. May lakas ng loob sa pagbaling sa kontemporaneo, subalit tunay na kakaiba ang enerhiya ng manuskrito kapag tinuturol nito ang isang uri ng panahon na nararamdam ng katawan, pati na ang iba’t ibang nasahin nito. Ano pa nga ba ang tesis na magbubuhat sa gayong lunan kundi isang diwang planetaryo na nakaugat sa kamalayang Filipino? Hindi na matatawaran ang tunguhing ekokritiko ng libro mula rito. At paano ko pa idiriin ang halaga ng paggamit ng Filipino bilang idyoma ng teoriya, o ng dalumat na nga ng isang moda ng pagsasateoriya sa natatanging tuntungan ng teorista? Datapuwa, at higit sa lahat, puspos ang kaloob na bakas ng likhang ito dahil may taglay na kariktan ang panulat ng may-akda, ang tuluyan niya’y kapwa maalindog at makisig, dahil umuusbong ang pangitain ng panahon sa nonbinaryong pagmamahal sa ginikanan, sa salukoy, sa panagimpan, at sa kung ano pa mang talinghaga ng pag-ahon mula rito tungo roon at pabalik pa mandin, tila kilapsaw na may natatabig na kapayapaan, upang ito’y mabasag at umindayog sa abot-tanaw, isang bagong panganorin!
Jaya Jacobo, Coventry University


FIL | ENG

Ang Isang Dalumat ng Panahon (Ateneo de Manila UP, 2022) ay isang tangka sa diskursong teoretiko hinggil sa rendisyon ng temporalidad na maituturing na “Filipino.” Bilang pangunahing kaabalahan nito, bumabaling ang pag-aaral sa panitikan, sa pamamagitan ng mga kritikal na pagbasa sa iba’t ibang teksto tulad ng mga talang pandiksiyonaryo, umiiral na mga panitikan sa larang ng araling Filipino, at mga tula. Mula sa mga ito, umuusbong ang pagpapahalaga sa panahon bilang dalumat ng pagkakataon para sa mga bagay upang maging panibago at anupaman. Higit na pinalalawig ang ganitong pagtataya sa pagsasaalang-alang sa iba pang mga kakawing na kaisipan, tulad ng alamat at kasaganaan; materyalidad ng mga bagay; tropo at tropikalidad; kontemporaneidad at kasaysayan; at pag-ibig at talinghaga. Sa gayon, sa halip ng isang diakronikong pagsasakasaysayan sa mga naging pag-unawa sa dalumat ng panahong Filipino, tinatangka ng pag-aaral na maisanay ang isang mungkahi, kung hindi man bagong, wika upang mapangusapan ang panahon, sampu na rin ng partikular na paggana nito sa mundong Filipino.Basahin ang sipi mula sa aklat.


Detalye ng Earthly Desires (2013) ni Rodel Tapaya; larawan mula sa Ateneo Art Gallery

FIL | ENG

Isang Dalumat ng Panahon (A Concept of Time) (Ateneo de Manila UP, 2022) is an attempt toward a theoretical discourse on a rendition of temporality that is "Filipino." The study turns to literature as its foremost object of study, through a series of critical readings of various texts such as dictionary entries, existent scholarships on Filipino studies, and poetry. What emerges is an intuition of time as an opportunity for materials to become anew. Such wager is further explored through considering other related concepts, such as the mythic and plenitude; materiality of things; tropes and tropicality; contemporaneity and history; and love and metaphor. As such, in lieu of a diachronic historization of different understandings of Philippine time, the study ultimately essays a propositional, if not new, language through which time can be articulated, in its specific rehearsal in the Philippine world.Read an excerpt here.


Detail of Rodel Tapaya's Earthly Desires (2013); photo courtesy of Ateneo Art Gallery

Tungo sa isang dalumat ng panahon

Detalye ng Earthly Desires (2013) ni Rodel Tapaya; larawan mula sa Ateneo Art Gallery


Sa pagdalumat sa panahong maituturing na Filipino, waring hindi maiiwasan ang tuksong kagyat na bumaling sa pinaniniwalaang nakagawiang pagkahuli sa nasabing kultura: sa karaniwang pangungusap, ang Filipino time ay tumutukoy sa sinasabing kasanayan ng mga Filipino na magdaos ng anumang bagay o kumpas nang may tatlumpung minuto hanggang isang oras matapos ang napagkasunduang sandali ng pagsasagawa dito.1 Hinggil dito sa itinuturing ni Miguel Bernad na “bad national habit”2 (“masamang kaugaling pambansa”) (sariling salin), tinataya niyang naging kritikal ang pananakop ng mga Amerikano sa pagpapasimula sa ganitong pagpapakahulugan sa “panahong Filipino”:

The phrase “Filipino time” was coined at the turn of the century by Americans who were annoyed by what they considered the inability of Filipinos to meet schedules. Used to a more relaxed rural life, Filipinos kept getting on the nerves of the officials and employees of the American Occupation who were trained to observe more precise timing. “Filipino time” was coined as a term of contempt, intended to cast opprobrium. It is amusingly ironic that some Filipinos actually glory in their inability to be punctual, cheerfully citing “Filipino time” as if it were something to brag about.[3]Nilikha ang pariralang “Filipino time” sa pagbubukas ng siglo ng mga Amerikanong naiinis sa itinuturing nila bilang kawalang-kakayanan ng mga Filipino na umayon sa mga iskedyul. Bilang sanay sa isang higit na mahinahong buhay rural, malimit na napupuno ng mga Filipino ang mga opisyales at empleyado ng Okupasyong Amerikano na sanay naman sa pagsunod sa mga higit na tiyak na pagkakataon. Ang “Filipino time” ay nilikha bilang isang termino ng panghahamak, na nilalayong makapagdulot ng kahihiyan. Kakatwang parikala na ang ilang Filipino ay nakapagpapasasa pa nga sa kanilang kawalang-kakayanan na maging maaga, at masiglang bumabanggit sa “Filipino time” na animo isang bagay itong maipagmamalaki. (sariling salin)

Sa kasaysayan ng daigdig, naging pangunahing tulak ang industriyalisasyon sa paggigiit ng modernong tao para sa singkronisasyon ng mga oras sa iba’t ibang lugar, mula na rin sa pagnanasang makalikha ng mga pinakamabisang sistema ng malawakang paggawa alang-alang sa tinatayang pag-unlad.4 Sa katulad na paraan, naging mahalaga sa pananakop ng mga Amerikano ang katulad na pagtiyak at pagsukat sa panahon upang sa gayon, sa isang banda, masinsin nilang mapangasiwaan ang pamumuhay sa Pilipinas, habang sa kabilang banda ay maipalabas din ang gayong pamamahala bilang pagtuturo pa nga sa mga Filipino, ang kanilang mga munting kayumangging kapatid, hinggil sa pagiging sibilisadong mamamayan ng daigdig—isang pagkamamamayang may kamalayan sa mga takdang kaayusang pamanahon.5 Mula dito, mahihinuhang sa karaniwang pag-unawa sa panahong Filipino bilang pawang gayon ngang kasanayan ng pagkahuli, malilirip ang isang wari bakas ng pananakop, sa pahiwatig na rin nitong pagturing lamang sa mga Filipino bilang mga katutubong nahuhuli, kung hindi man paurong, na hindi alam ni ang pagsunod sa mga pagtatalagang pamanahon, kung kaya malamang kaysa hindi ay matatayang hindi rin alam ang maayos na paraan ng pamumuhay. Sa madaling sabi, ito nga ang pagharaya sa Filipino bilang Juan Tamad na laging madaratnang natutulog sa inaasahang oras ng paggawa, kung kaya sa huli ay gayon ngang hindi umuunlad.6Ang ganitong pangingibabaw ng makapangyarihan sa diskursong pamanahon ay malilirip maging sa kasalukuyan sa mga pagtatangkang baguhin ang sinasabing panahong Filipino. Sa pagkakataong ito, ang ganitong marahas na pangingibabaw, kung hindi man katulad na pananakop, ay isinasagawa ng ilang Filipino sa kanila mismong mga kababayan, partikular na nilang higit na nakatataas sa lipunan: silang mga naninirahan sa mga lunang urban, halimbawa, o mga nagmamaneho ng sariling sasakyan, na malimit na nagpapalagay na ang gayong “kasanayan” ng pagkahuli ng “ibang” mga Filipino ay buhat sa lantay nilang kawalan ng disiplina.7 Kung kaya sa mga malawakan at institusyonal na pagdidiskurso hinggil sa Filipino time, tulad na lamang sa ipinasang Batas Pambansa 10535 o The Philippine Standard Time (PST) Act noong 2013, ang binabanggit na pang-uring Filipino, sa kabila ng iginigiit na pagiging mapag-“isa” nito,8 ay nahihinuha bilang nagmumula rin lamang sa mga pagpapahalaga ng mga nakatataas mula sa gitnang metropolis, sa lunang malimit na itinuturing bilang higit na industriyalisado kaysa ibang bahagi ng kapuluan, sampu na rin ng kadalasang pag-alinsunod ng nasabing lugar sa mga kontemporaneong anyo rin ng pananakop.9Sa mga pagtatangkang dalumatin ang isang panahong maituturing na Filipino nang lumilihis din mula sa nailarawang karaniwang pagpapahalaga, kalimitang bumabaling ang mga pag-aaral sa mga katutubong karunungan bilang mga panibagong bukal ng pag-unawa. Halimbawa, sa pagtatala ni Victor L. Badillo hinggil sa pagdalumat sa panahon ng iba’t ibang pangkat etnolingguwistika sa kapuluan, ipinag-uugnay niya ang kani-kanilang mga kasanayang pamanahon sa kani-kanila ring pakikipagtagpo sa kapaligiran, batay na rin sa paghango ng mga nasabing pangkat ng mga pangalan para sa ilang tiyak na sandali mula sa mga natataunang nilalang sa mga ito. Naaari sa ganitong pagbaling sa katutubong karunungan ang isang kumpas ng pagsasalin: ang isang taon, halimbawa, ay hindi na lamang mauunawaan sa bilang panahong binubuo ng “365 na araw at 366 kapag bisyeto,” o “12 buwan,”10 kung hindi maaari din ng anim na panahon ng mga Ilokano, na tinatawag na kalgao, duppo, sibabasa, kiring, lawa, at daradar; o pitong buwan ng mga Bisaya, na tinatawag namang Dagankahoy, Daganenan, Elkilin, Inabuyan, Kabay, Irarapan, at Manalulsul.11 Ayon na rin kay Badillo, sa gana ng mga ganitong pagtatala, marahil ay naisasakatuparan ang isang mahalagang gawain—“[that] we capture in writing ancient time telling methods before they vanish”12 (“na mahuli sa panulat ang mga sinaunang pamamaraan ng pagtukoy sa panahon bago pa man maglaho ang mga ito”) (sariling salin).Ang tinatayang kaugnayang ito sa kapaligiran ng mga katutubong Filipino ang karaniwang nagsisilbing lunsaran ng mga muling pag-unawa sa mga disiplinang may kinalaman sa panahon, tulad na lamang ng astronomiya at matematika, at ng pagsasalin sa mga nasabing larang sa mga wika at paraang inaari bilang Filipino.13 Gayunpaman, kritikal na mabanggit na sa mga ganitong pagtatangka, nahihinuha rin ang malimit na pagpapahalaga sa nasabing sensibilidad bilang napag-iiwanan ng industriyalisadong daigdig ng kasalukuyan, sa malimit na ring pagkakawing dito sa mga katutubong paniniwala bago pa man dumating ang mga Kastila, sa panahong “prekolonyal” nga, halimbawa, o kaya naman sa mga pamayanang rural, kung hindi man pinakaliblib, sa kapuluan.14 Sa madaling sabi,ang mga ganitong “ibang” paraan ng pag-unawa sa panahong Filipino ay iba nga sa kung paano wari pinahahalagahan ang mga ito bilang hiwalay sa kontemporaneong karanasang Filipino. Kung kaya rin sa pagtataya ni Badillo sa mga katulad na kasanayang pamanahon bilang kinakailangang “mahuli sa panulat”—na kung tutuosin ay malakolonyal din bilang isang pihit ng pangungusap—sa kabila ng hindi maitatangging pangkasaysayang halaga ng gawaing ito, nahihinuha rin lamang dito ang paggana ng parehong karahasan sa panahon, sa nalilirip na pagsasasinauna nito sa mga nasabing kasanayan, ang pagturing nga sa mga ito bilang “ancient,” sa halip na, sabihin, ituring din ang mga ito bilang pinakakontemporaneo o kaalinsabay sa danas ng kasalukuyan sa kapuluan.Ang Isang Dalumat ng Panahon ay isa ngayong tangka sa diskursong teoretiko hinggil sa panahong matatayang Filipino na nagnanais na lumihis mula sa paghilig ng mga naunang pag-aaral hinggil sa parehong tuong dalumat. Upang maisagawa ito, bumabaling ang aklat sa kumpas ng kritikal na pagbasa bilang pangunahin nitong pamamaraan, at sa gayon, nililirip ang dalumat ng panahon sa paggana nito sa wika, at kung tutuosin, sa isang paraan, bilang isa ring wika. Kung kaya higit sa anupaman, lunsaran para sa kasalukuyang pagdalumat ang mismong salitang Filipino na panahon: higit pa sa pagturing dito bilang pawang isang salin sa Filipino para sa nosyon ng temporalidad at maging danas nito, tinatangkang idiin ng aklat ang panahon sa pagkakalunan na rin nito sa ekolohiyang Filipino, sampu ng pinakamateryalidad nitong malilirip sa pagkakakawing nito sa iba pang mga salita, halimbawa, o sa pagsasakatawan din dito sa iba’t ibang kapaligiran, partikular na sa panitikan. Sa gayon, nagiging mahalaga lamang para sa aklat ang pagbaling sa iba’t ibang diksiyonaryo, pag-aaral, at tula hindi lamang upang mapakahulugan ang mga kritikal na salitang kaugnay o iniuugnay sa panahon, o maisahalimbawa ang paggamit sa mga naturang salita, kung hindi upang mapayabong din ang mismong paraan ng pag-iisip hinggil sa mga dalumat na ito, at nang sa gayon ay mapabaling din ang mga gayong pag-iisip tungo sa iba pang maaaring malikhaing pagtataya na pamanahon.


1. Bagaman kung gaano katagal ang pagkahuling ito ay hindi rin talaga natitiyak: halimbawa, sa isang artikulo mula sa Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, sinasabing ang Filipino time ay nasa pagitan ng 15 hanggang 30 minuto lamang ng pagkahuli mula sa itinakdang oras, habang itinatala naman ito sa Urban Dictionary bilang tumatagal mula 30 minuto hanggang 3 oras. Tingnan ang mga ito sa “With PST, ‘Filipino Time’ Is Now ‘On Time,’” Department of Science and Technology, 23 Setyembre 2011, https://www.dost.gov.ph/knowledge-resources/news/36-2011-news/254-with-pst-filipino-time-is-now-on-time.html; at “Filipino Time,” Urban Dictionary, huling dinagdagan noong 9 Oktubre 2010, https://www.urbandictionary.com/define.php?term=Filipino%20Time.

2. Miguel Bernad, “Filipino Time,” Budhi 5, blg. 3/6, blg. 1 (2001/2002): 213, https://ajol.ateneo.edu/budhi/articles/211/2361.

3. Bernad, “Filipino Time,” 212.

4. Ayon na rin kay Bernad, “in the modern industrialized world and especially in urban areas, to be imprecise about time causes great inconvenience. What would happen to an industry if the workers were allowed to report anytime they please and leave whenever they wish?” (“sa modernong industriyalisadong daigdig at lalo na sa mga pook urban, ang pagiging di-tiyak sa panahon ay nakapagdudulot ng malalaking abala. Ano na lamang ang mangyayari sa isang industriya kung ang mga manggagawa nito ay pahihintulutang pumasok kailanman nila naisin at umalis kailanman nila gustuhin?”) (sariling salin). Tingnan kay Bernad, 211. Para sa higit na pagtalakay sa bisa ng industriyalisasyon sa pagtitiyak sa panahon sa kontekstong pandaigdigan, maaaring tingnan kay Jeremy Rifkin, Time Wars: The Primary Conflict in Human History (New York: Henry Holt, 1987); Eva Hoffman, sa ikaapat na kabanata ng Time (New York: Picador, 2009); Kervin Birth, sa ikalimang kabanata ng Objects of Time: How Things Shape Temporality (New York: Palgrave Macmillan, 2012); at Simon Garfield, Timekeepers: How the World Became Obsessed with Time (Edinburgh: Canongate Books, 2016). Gayunpaman, kritikal na maitala na ayon naman kay Resil Mojares, ang ganitong pagtitiyak sa panahon ay una na ring nangyari maging sa panahon ng pananakop ng mga Kastila: halimbawa, ang kalendaryong Gregorian ay pinasimulang paganahin sa bansa noong ika-5 ng Oktubre 1582, may pitong buwan mula nang opisyal itong iproklama ni Gregory XIII noong ika-1 ng Marso sa parehong taon. Tingnan ito kay Mojares, “Densities of Time,” sa Isabelo’s Archive (Lungsod Mandaluyong: Anvil, 2013), 59.

5. Ayon na rin kay Hoffman, kakatwa ang panahong Amerikano sa pagtatangi nito sa palagiang paggawa: “It was not only that time moved faster in America—it pressed onwards in more stressful ways. People worked much harder… but also… more anxiously… [It was] the phenomenon of ‘American nervousness’… [that] had always been diagnosed as a function of a peculiar American insecurity… an uncertainty which followed perhaps partly from the country’s perpetually renewing newness, but also from the extreme competitiveness of American institutions and the very possibilities of upward mobility” (“hindi lamang mabilis ang pagdaloy ng panahon sa Amerika—naggugumiit pa ito sa higit na nakababalisang paraan. Higit na masipag na nagtatrabaho ang mga tao… subalit… higit ding balisa… Ito ang penomeno ng ‘Amerikanong pagkabalisa’… na parating natutukoy bilang isa sa bisa ng isang kakatwang Amerikanong insekuridad… isang di-katiyakang nagmumula marahil sa isang banda sa palagiang paninibagong kabaguhan ng bansa, subalit sa kabilang banda sa malubhang pagiging mapagkompitensiya ng mga institusyong Amerikano at pinakaposibilidad ng pataas na pag-unlad.”) (sariling salin). Tingnan ito kay Hoffman, 5.

6. Para sa higit na paglirip sa ganitong pagtingin sa mga Filipino, tingnan kay Leonardo Mercado, “Notes on the Filipino Philosophy of Work and Leisure,” Philippine Studies 22, blg. 1-2 (1974): 71-80, https://ajol.ateneo.edu/pshev/articles/291/3264. Samantala, para naman kay Mojares, ang gayong pagkahuli ng Filipino time ay maituturing bilang “either… benign survivals of old habits… or acts of conscious avoidance and resistance” (“maaaring… payak na labi ng mga nakaraang kasanayan… o mga kumpas ng malay na pag-iwas at pagtanggi”) (sariling salin); gayunpaman, sa ganitong pagpapahalaga, hindi naisasaalang-alang ni Mojares kung papaanong maaaring hindi rin tahasang pinipili ng katutubo ang pagkahuli—bilang maaaring dulot ito sa halip, halimbawa, ng kawalang-kakayanang pumatungo sa partikular sa itinakdang oras, o kaya naman sa pagkakaroon ng iba pang kinakailangang gawin. Tingnan ang ganitong pagpapahalaga ni Mojares sa kaniyang “Densities of Time,” sa Isabelo’s Archive, 61.

7. Tingnan bilang halimbawa ang pagninilay hinggil sa Filipino time ni Scott Garceau, “What time is it? It’s Filipino time!,” Philstar, 14 Oktubre 2001, https://www.philstar.com/lifestyle/sunday-life/2001/10/14/136617/what-time-it-it146s-filipino-time; Philip Chua, “‘Filipino time’ revisited,” Asian Journal, 20 Enero 2019, https://www.asianjournal.com/life-style/lifestyle-columnists/filipino-time-revisited; at Gideon Lasco, “Japanese punctuality, Filipino time,” sa *The Philippines is Not a Small Country( (Lungsod Quezon: Bughaw, 2020), 216-7. Gayunpaman, idiniriin din ni Bernad na “when I insist on punctuality, I am insisting on a Philippine value, not an alien one” (“kapag iginigiit ko ang pagiging maagap, iginigiit ko ang isang halagang Filipino, hindi isang halagang banyaga”) (sariling salin)—na wari iisa lamang ang halagahang sinasabing “Filipino” na mayroon sa kapuluan; tingnan ito kay Bernad, 213.

8. Tinatawag din ang PST bilang Juan time, isang paglalaro sa pagitan ng tinatayang kaisahan ng panahon at ‘Juan’ na sinasabi namang karaniwang pangalan ng mga “Filipino”; tingnan sa “With PST, ‘Filipino Time’ Is Now ‘On Time.’”

9. Pansinin, halimbawa, kung papaanong ang paglalahad noong 30 Setyembre 2011 sa orasang sumasakatawan sa Juan time, “to sync all time pieces in the country’s more than 7,100 islands” (“upang mapag-alinsabay ang lahat ng orasan sa higit 7,100 pulo ng bansa”) (sariling salin), ay idinaos sa SM Mall of Asia sa lungsod ng Pasay sa Maynila; tingnan ito sa “Juan Time to sync time pieces with PST,” Department of Science and Technology, 30 Setyembre 2011, https://www.dost.gov.ph/knowledge-resources/news/36-2011-news/253-juan-time-to-sync-time-pieces-with-pst.html.

10. Unibersidad ng Pilipinas Diksiyonaryong Filipino, ika-2 ed., s.v., “taón.”

11. Victor L. Badillo, “Time Keeping: Philippine Style,” Philippine Studies 28 (1980): 358-9, https://ajol.ateneo.edu/pshev/articles/418/5428.

12. Badillo, 362.

13. Tingnan bilang halimbawa ang mga pag-aaral nina Dante Ambrosio, Balatik Etnoastronomiya: Kalangitan sa Kabihasnang Pilipino (Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2010); Ricardo Manapat, “Mathematical Ideas in Early Philippine Society,” Philippine Studies 59, blg. 3 (2011): 291-336, https://ajol.ateneo.edu/pshev/articles/497/6343; at Damon L. Woods, “Counting and Marking Time: From the precolonial to the contemporary world,” sa The Myth of the Barangay and Other Silenced Histories, panimula ni Virgilio S. Almario (Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2017), 154ff.

14. Halimbawa, sa pag-aaral ni Woods hinggil sa pagdalumat ng panahon ng mga Tagalog, ikinakawing niya ito sa usapin ng pananampalataya bilang partikular na nasa pagitan ng Katolisismo at iba pang mga paniniwala bago dumating ang mga Kastila. Pinakanaisasakatawan ito sa pagpapamagat na rin niya sa penultimang bahagi ng pag-aaral bilang “Animists or Christians?” Tingnan ito kay Woods, 171. Samantala, sa pag-aaral naman ni Antoon Postma hinggil sa pagdalumat ng panahon ng mga Mangyan sa Mindoro, mahihiwatigan ang pagpapahalaga sa kanilang mga kasanayang pamanahon bilang hindi tuwirang nabibilang sa kasalukuyan, lalo pa’t itinuturing ang mga bagay tulad ng relo at radyo bilang wari banta sa mga nasabing kasanayan. Tingnan ito kay Postma, “The Concept of Time Among the Mangyans,” Asian Folklore Studies 44, blg. 2 (1985): 231-40, https://doi.org/10.2307/1178509.